INC, ginagamit sa palakasan sa BoC
ulat ni Jun Covero
NANAWAGAN kahapon ang ilang concerned employees kay Pangulong Noynoy Aquino III na aksiyonan kaagad ang tiwaling gawain ng isang nagpapakilalang miyembro ng maimpluwensiyang sekta ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ginagamit umano ng INC member na nagpakilalang si Erds Codera ang kanilang sekta sa pambrabraso at influence pedling sa BoC upang mailagay sa magagandang pwesto ang kanyang mga bataan at maipagpatuloy ang mga bulok na kalakaran sa ahensya.
Ayon sa source ng Hagupit, madalas i-name drop ni Codera ang pangalan nina INC Executive Minister Eduardo Manalo at maging ni Pangulong Aquino upang magawa nito ang kanyang mga gusto sa loob ng BoC.
Sa katunayan si Codera daw ang siyang umanong bumraso kay BoC Chief Commisioner Ruffy Biazon upang ma-aapoint bilang hepe ng Customs Intelligence and Investigation Division (CIID) ang kanyang bataan na si Richard Rebong kahit kulang-kulang ang kanyang mga credentials para sa naturang pwesto.
Mabuti na lamang umano at pumalag ang ilang tauhan ng BoC at kinuwestiyon ang pagkakatalaga ni Rebong sa naturang pwesto.
Dahil dito, nagdesisyon ang CSC-National Capital Region Field Office, na tanggalin sa pwesto si Rebong dahil hindi umano ito kuwalipikado sa pwesto.
Ayon sa 12-pahinang desisyon ng CSC, ang pagkakatalaga umano kay Rebong ay labag sa mga palatuntunan sa pag-pili at promosyon ng mga opisyal ng gobyerno.
Ayon pa sa source, napakabilis umano ang naging pag-akyat ni Rebong sa pwesto sa kabila ng kawalan nito ng karanasan sa customs intelligence.
Sa ilang panahon lang, na-promote umano ito mula sa salary grade 8 tungong salary grade 25.
Bagama't tutol umano si Biazon na italaga si Rebong, inakala umano niya na may kautusan mula kay Pangulong Aquino at may rekomendasyon pa si Manalo upang mailagay si Rebong sa CIID dahil ito ang sinabi sa kanya ni Codera sa siyang liaison officer ng INC sa Malakanyang.
Maliban kay Codera, lumulutang din ang pangalan na Jun Reyes na isa ring miyembro ng INC na siyang madalasgumamit sa pangalan ng INC at ni Manalo upang makapagpalusot ng mga kargo sa BOC.